Ruth’s Blog

Just another Friendster Blogs weblog

Mga Utos

Filed under: Uncategorized — dregsoftruth at 1:49 am on Tuesday, June 2, 2009  Tagged , ,

Mga Utos

ni Ruth Mostrales

 

Simulan ang araw bago umulan,

Sipatin ang mga yapak na kaniyang iniwan;

Sundan ang kinabukasang laging tumatakas —

Pasiglahin ang dasal at apulahin ang malas.

 

Kapag tayo’y napagod sa pakikipagtunggalian,

Sa paghithit ng usok ng prusisyong walang hanggan,

Gaya ng ibong nakalulan sa amihang pumipintig,

Sumayaw tayo maging sa gitna ng ligalig. 

 

Habang nagtataasan ang mga gusali,

Sabayan ito ng paglilinang sa ugali —

At kapag hapo ang pusong minamaliit,

Sungkitin ang bituing iginuhit noong tayo’y paslit.

 

Sa kublihan ng pag-asa, tayo’y magpahinga

At matulog yakap-yakap ang awa ng kalangitan

Na bagamat kadalasa’y nagtatago, o ‘di madama

Sa pagbibigay lingap ay ‘di lumiliban, kaya’t

 

Simulan ang araw bago umulan,

Sipatin ang yapak na kaniyang iniwan kahapunan;

Sundan ang kinabukasang laging tumatakas —

Pasiglahin ang dasal, at apulahin ang malas.#

 

Page copy protected against web site content infringement by Copyscape

Dahon ng Talisay

Filed under: Uncategorized — dregsoftruth at 6:10 pm on Sunday, March 8, 2009  Tagged , , ,

Napadaan ako minsan sa ilalim ng punong talisay na pagmamay-ari ng kapitbahay.  Araw-araw nitong winawalis ang mga pasaway na dahon.  Ang matandang mamang lagi kong binabati, siyang walang kapagurang magwalis sa mga kalat na dahon ay hindi lumiliban sa kaniyang nakasanayan.  Isang araw, sa aking pagdaan, walang mamang nagwawalis, at ang mga dahon ay malayang nagliliparan kung saan dalhin ng hangin.  Punong-puno ng mga dahon ng talisay ang kalye at mistulang ilang araw na ring walang umatupag na linisan yaon.  Nalaman ko sa aking pinsan na patay na raw ang matanda, at naitanong ko sa sarili — ang bawat saglit ba’y parang dahon?  Pagtingin ko sa puno ng talisay ilang araw ang nakaraan, nakalbo na ito.

 

Dahon ng Talisay

by Ruth Mostrales

Sa ilalim ng punong talisay

Na lubhang sa dahon ay

Mapagbigay… ako ay sisilong, at

Magbubulay-bulay:

 

Ang bawat saglit ba ay parang dahon?

Ang bawat pagkahulog ba’y parang

Pagbangon? Isang dahon ng alaala ang

Tumisod sa aking paa, isang

Paghihikayat, marahil, upang tumigil bahagya

 

Bago lumusong.  Umihip ang hanging bitbit

Ang hamog na sa puso niya’y

Nakapiit. Dalawang dahon ang

Nagparamdam, magkabilang balikat ko’y

Dinaganan, at ang pasanin ay naisipan kong 

 

Iwaglit.  Ako’y patuloy na nagwalis upang ang

Kalat ay kagyat na maalis. 

Tatlong dahon ang nagpanumbalik

Sa tatlong salitang tinuran, at isinahimig

Noon ng isang makata, ngunit ‘di nagtagal—

Nasala ang ganda,

Nawala ang pantasya.

 

Gaya rin ng musikang likha

Ni Celerio, noon, kasabwat ang dahon 

Bago siya higupin ng palalong panahon —

Ang mga patay na pahina

Sa aking paanan ay

Sinalansan upang bigyang

Kawakasan silang mga katapusan na ‘di na

 

Mahuhudyatan:  Silang sinulatan ng mga

Pangarap na nagupo, mga pahinang

Tinitikan ng mga ususero,

Mga dahong nahulog, natuyo’t

Mabubulok — Tutupukin na ngayon,

Pamatay sa lamok…

Upang yakapin ang

 

Alabok at

 

Tuldok.

Page copy protected against web site content infringement by Copyscape 

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.