Mga Utos
ni Ruth Mostrales
Simulan ang araw bago umulan,
Sipatin ang mga yapak na kaniyang iniwan;
Sundan ang kinabukasang laging tumatakas —
Pasiglahin ang dasal at apulahin ang malas.
Kapag tayo’y napagod sa pakikipagtunggalian,
Sa paghithit ng usok ng prusisyong walang hanggan,
Gaya ng ibong nakalulan sa amihang pumipintig,
Sumayaw tayo maging sa gitna ng ligalig.
Habang nagtataasan ang mga gusali,
Sabayan ito ng paglilinang sa ugali —
At kapag hapo ang pusong minamaliit,
Sungkitin ang bituing iginuhit noong tayo’y paslit.
Sa kublihan ng pag-asa, tayo’y magpahinga
At matulog yakap-yakap ang awa ng kalangitan
Na bagamat kadalasa’y nagtatago, o ‘di madama
Sa pagbibigay lingap ay ‘di lumiliban, kaya’t
Simulan ang araw bago umulan,
Sipatin ang yapak na kaniyang iniwan kahapunan;
Sundan ang kinabukasang laging tumatakas —
Pasiglahin ang dasal, at apulahin ang malas.#
