Pagtalima
Kumikitil ba
ng buhay
Ang pag-ibig
Na wagas?
Natitiis ba ng isang
Ama, ang
paghihirap
Ng anak?
Tumangis ako
Sa langit
Ngunit ako’y
Tinalikuran.
Natakpan ng
Ulap at ulan, at
Tumambad ang
karimlan.
Ama, masdan mo
Ako, sa aking
Katayuan,
Wala ka bang
Habag, walang
Pagdaramdam?
Habang ako’y
Hinahaplos
Ng hagupit
Na masakit,
Sa tuwing
Gumuguhit
Ang hampas
Na mariin;
Masahol pa sa
Hayop ang
Pagtingin sa
Akin —
Wala ka bang
Gagawin —
Ama!
Ako ay
Yapusin!
Gaya noong
Tayong dalawa’y
Naglalaro
Sa kalangitang
Walang hanggan…
Ama! bakit
Ginawad sa akin
Ang kaparusahan!
Ama…
Ako’y napakarumi,
Dala-dala ko
Mga kasalanan
Ng lahat ng
Lahi;
Kaya ba ako na
Ngayo’y
pinapatay,
sinisisi?
Kaya nga ba
Ang iyong mukha
Na ay ikinukubli?
Ilayo mo
Ama, ang kopa,
Kung iyong
Magagawa!
O Ama,
Alpha at Omega,
Maawa ka!
Ngunit…
Ama, dahil ang
Pag-ibig Mo’y
Dalisay,
Heto na ang aking
Mga kamay… at
Bilang pagtalima
Sa nakatakda
Handa kong
lunukin
ang dusa.
Upang makita
Nilang hindi
Natatapos
Sa kamatayan
Ang lahat —
Sa likod ng
Balabal ng
kadilima’y
Sumisikat
Ang araw
Kung saan
Matapos ang
Kamataya’y
Ang buhay
Ay ‘di na
magwawakas —
Ang tatlong
Araw
Ay darating din
At lilipas.
ruth mostrales

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.

