Musmos sa May Baclaran
Habang naglalakad sa mataong daan
Hindi ko namalayang ako ay nadukutan
Ang pananghalian, mamayang gabi na lang
Ninais kong umuwi sa mahal kong Inang.
Nais kong magbalik sa Barrio Kamusmusan
Kung saan ang lahat ay nagmamahalan
Walang masamang kaganapan kailanman
Walang magkapatid na nagpapatayan.
Sa Barriong iyon, walang pinuno
Pero ang lahat ay may pangako
Sa bawat isa. Walang bantay, walang armas
Walang mahina, walang malakas.
Ang lahat ng tao’y pantay-pantay
Ang pag-ibig ay tunay ngang dalisay
Ang mga pangarap ay may katuparan
Walang karapatang nilalapastangan.
Sa panahon ng hirap ay may kaagapay
Sa panahon ng ani, may pagpupugay
Sa Kaniyang lumikha, nagdilig, nagparaya
Upang ang buhay ay maging makulay.
Kung may hinanakit, madaling naaalis
Sa haplos ng pag-ibig at pagtitiis
Kung may takot sa multo ng kinabukasan
Nakaantabay ang anghel ng kasalukuyan.
Saan ba ang lugar ng Barrio Kamusmusan?
Tanong ko sa isang musmos sa may Baclaran
Nagulat ito at ako’y pinagtawanan
Ang sabi niya’y hanapin ko sa kalawakan.
Ruth Mostrales

This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.

